Saturday, February 15, 2014

Hinagpis ng lumipas: ni Jay Vibas Estrera

(Handog ko sa isang biktima ng Nagdaang Bagyong Yolanda)

I.
Bawat gabi, bawat umagang dumarating.
Puso'y puno ng saya, mundo'y punong-puno ng pag-asa.
Kapiling ang bunso't, pinakamamahal kong ina.
Daigdig sa aki'y, talagang kahali-halina.

II.
Isang araw, ang lahat ay nagiba.
ako't sa mundo'y nag-iisa.
panaginip, napalitan ng lungkot.
Sa pusong nahahalina, pighati na'y nadarama.

III.
Saan ko hahanapin ang liwanag ng pag-asa?
Paano ko iraraos ang bawat umaga?
Nakaligtas nga ako't subalit ay nag-iisa.
Lahat ng pangarap sa akin, napalitan ng pagdurusa.

IV.
Ninais kong lumakad at tumakbo.
Ninais kong tahakin ang mundo't lumayo.
Ngunit sa bawat hakbang na binibitiwan.
Mga paa'y hinihila ng bangongot sa nagdaan.

V.
Kailan pa ba matatapos ang delubyong ito?
Kailan ko ba masisilayan ang liwanag sa kasalukuyan?
Kung lahat ng pangarap ko'y pinuno ng kalungkutan.
Kung sa bawat patak ng ulan, puso ko'y pinapanatiling tigang.


VI.
Sana bukas, sa higpit ng mundo ako'y makawala.
Sana sa kalungkutan, ako'y tuluyang makalaya.
Hindi ko man maibalik, mga ngiti sa nagdaan.
Ngunit sana, bukas Ako'y tuluyang makabangon..


Munting Hiling ni: Jay Vibas Estrera

(Replika sa tula ni Fernando Monleon na Alamat ng Pasig)


I.
Pusong lumuluha, Pusong humihikbi.
Damdami'y ikinubli.
Upang di masilayan, luhang pumapatak.
Sa musmos kong puso, na nadurog at nawasak.
Siphayo!, siphayo!
Kailan ka sa aki'y, tuluyang lalayo..


II.
Sa t'wing naririnig, lamyos ng iyong tinig.
Pusoy naantig!
T'wing bibigkasin mo, ang aking pangalan.
Kaluluwa ko sinta'y, idinuduyan.
Subalit nasaan?
Binilanggo ka, sa iyong nagdaan..


III.
Nakaw na sandali'y sapat na sa akin
Kahit ako'y hirap.
Sayo'y umaasa't nagmamahal pa rin.
Pero dahil puso mo'y inaalipin..
Lahat tatanggapin.
Alaala mo'y, tuluyang buburahin..


IV.
Subalit ang sarili'y, sadyang di maiwasan.
Nas'an ang hangganan?
Sinubok kitang, iwaglit sa isipan.
Pero bigo, di malimot nang tuluyan.
Oh! Buhay kay pait!
Tadhana saki'y, sadyang napakalupit.

V.
Sa ilalim, ng kislap ng mga bit'win.
Puso'y humihiling
.Gunitang saklap, sa limot ay lunurin.
At sa agos ng buhay, tuluyang anurin.
Ngunit hanggang kailan?
Kung puso ko man, ayaw kang kalimutan.


VI.
Sa ilalim pa rin ng kislap ng mga bit'uin.
Pusong mahiyain.
Tumangis sa loob, ang kipkip na lihim.
Umaasang ang hikbi'y buwa'y maulinag.
Kahit silayan lang.
Nang pag-ibig mo'y maangkin ng lubusan...